RSS

Mula kay Andrea

19 Mar

April 2010 ko pa naisulat ito. Isang note sa Facebook ang original place ng short story na ‘to. Hindi rin ito ang unang idea pero hindi ko alam kung paano naging ganito ang resulta. Naalala ko lang na ang basehan ng short story na ‘to eh ‘yong isang babae na kasama ko sa teatro nung high school. Mas matanda sya ng dalawang taon. Naalala ko gandang ganda ‘ko sa kanya. Ewan ko bakit naalala ko sya bigla. Napasulat tuloy ako nun. Iniwan ko muna saglit ‘yong ibang sinusulat ko that time para lang tapusin ‘to agad. Baka kasi mawala pa sa isip ko. Sayang ang idea. 

Buga ng usok sa bandang kanan. Hinga ng malalim. Hihitit ulit at bubuga ng usok sa harap mo. Masyado kang tensyonado. Gabing gabi na at dapat natutulog ka na pero heto ka sa beranda mo kasama ang yosi (mga sampung sticks pa siguro yung nasa kaha). Gising na gising ang diwa. Ang daming larawan na sabay-sabay na nagpapakita sa’yo. Alam ko, naguguluhan ka na.

Hitit pa ulit. Sabi mo isa na lang pero sige pa rin ang bibig mo sa pagbuga ng usok na parang mabagal na naka-istambay sa hangin.

Ayan kasi, ginising ka na naman ng malikot mong imahinasyon. Ang imahinasyon mo kasi kung saan-saan nakakarating. Sya na naman ang dumalaw sa panaginip mo. Ilang gabi nang ganyan. Nababagabag na ang loob mo. Hindi mo naman masabi ‘yan sa iba kasi pangit ang magiging reaksyon nila.

Si Andrea na naman ang naglalaro sa isipan mong buhay na buhay sa madaling araw. Si Andrea na batchmate mo sa college at nakilala mo sa isang school affair. Nag-click kayo dahil pareho nyong sinasamba ang sining: lalo na ang musika. Si Andrea na halos walang kapintasan ang ugali. Si Andrea na modelo ang dating dahil sa kanyang tangkad at sa makinis na morenang balat nya. Aba’y ‘di ka naman patatalo pagdating sa kakinisan. Mukha ka ngang Instik sabi ng nakararami. Pareho kayong maganda. Morena sya at mestisa ka. Habulin kayo ng mga lalaki. Kahit pa na pang-cowboy ang dating mo, marami pa ring umaaligid sa’yong kalalakihan. Si Andrea na naging kaibigan na rin ng barkada mo. Si Andrea na mahilig magbasa. Si Andrea na matalas ang memorya pagdating sa mga larawan.

Si Andrea ang nasa isip mo sa mga nakalipas na buwan. Sa buong linggo. Buong araw. Buong gabi. Lahat ng bagay na makita mo ay si Andrea pa rin ang tumatakbo sa isipan mo.

Naiinitan ka kaya pumunta ka sa kusina para uminom at pawiin ang uhaw mong lalamunan. Tatlong baso. Siguro kulang talaga ang tubig sa katawan mo kaya ganun na lang ang dami ng nainom mo. Sa beranda ka ulit at nagsindi pa ng isang yosi. Naiinip ka at pakiramdam mababaliw ka kapag ‘di ka pa gumawa ng paraan. Kaya naman tinawagan mo ang pinakamamahal mong lalaki na si Ralph at pinilit na puntahan ka sa apartment mo.

Hi Ralph.

Parang walang emosyon ang pagkakasabi mo pero pilit mong nilalagyan.

Uhm, gusto ko lang kasi. Alam mo na. Matagal na rin

Malamyos ang pagkakasabi mo. Nang-aakit. Nagpasalamat ka at gusto rin ni Ralph. Hindi ka nabigo. Nagsimula ang lambingan ninyo at tuwang tuwa ka na masaya ang nararamdaman mo. Hanggang sa palapit kayo ng palapit sa pinakamaligayang yugto. Napagod ka. Napagod sya. Pinikit mo ang mga mata mo at ibinulong sa sarili na kaya mo pala, na masaya ka kay Ralph. Napatunayan mo ‘yan ngayong mga sandali ng kaguluhan sa utak mo.

Dumating ang panahon na kailangan umalis sandali ni Ralph dahil sa kanyang negosyo. Nalungkot ka malamang pero ang mas nangingibabaw ay takot na baka dumating na naman ang mga gabi na laging hatid ay gulo sa kaisipan mo.

Pero hindi ka rin naman nakatakas sa mga gabi. Dumarating at natatapos ito na laging magulo. Alam kong di ka naman patatalo sa naiisip at nararamdaman mo.

Hindi rin maiwasang magkita kayo palagi ni Andrea dahil sa iisang kompanya lang kayo nagtatrabaho. Mabuting magkaibigan kayo. Sa lahat ng bagay ay magkasundo. Hindi mo maiwasang humanga ka sa ganda ng ugali nya. Ngayong wala si Ralph, palagi s’yang nasa apartment mo. Sinasamahan ka. Minsan pa’y doon sya natutulog. Nae-enjoy mo ang buong Sabado’t Linggo kahit pa hinahanap mo si Ralph.

Nasa beranda kayo nung Linggo ng hapon. Pahinga lang, kape at yosi. Si Andrea na nakatayo habang hawak ang tasa ng kape at ikaw nakaupo. Ang isip mo’y lumilipad sa kung saan. Hindi sakto ang mga salita at pangungusap na namumuo sa utak mo. Di mo namamalayan na nakatitig ka na sa kanya. Titig ng paghanga. Isang salita lang nangingibabaw sa isipan mo. Bakit?

Hindi mo pa rin inaalis ang titig mo sa nakatikod na si Andrea. Hindi mo na nga rin namalayan na tinitignan ka rin nya at natatawa sa ikinikilos mo. Napukaw lang ang malabong kaisipan mo ng magtanong sya.

Bakit?

Wala. Pwede bang sabihin kong nagagandahan ako sa’yo?

Isang ngiti lang ang isinagot ni Andrea sa’yo. At sumunod na lang ay unti-unting lumalapit ang labi nya sa labi mo. Wala kang masabi. Tahimik na naghihintay. At iyon na. Una mong naisip na malambot ang kanyang mga labi pero “mas malambot at matamis ang kay Ralph.” Ibinalik mo ng masuyo ang halik ni Andrea sa’yo. At sa mga oras na iyon, si Ralph ang nasa gunita mo. S’ya at s’ya lang naiisip mo. Hindi si Andrea. Lahat ng bagay tungkol kay Ralph ang tumatakbo sa isip mo habang nakalapat ang labi mo kay Andrea. Bigla kang tumigil at naibulong mo ang pangalan ni Ralph. Bumitiw si Andrea. Mahinang tawa lang ang reaksyon nya. At sabay sabing,

Late bloomer ka lang sa ganyang pakiramdam. Dapat matagal mo ng naramdaman yan. At ako, matagal ko ng napatunayan kung ano ako at alam mo kung ano ‘yon? Isa akong babae. Katulad mo, pinagdaanan ko rin yang senaryo na ‘yan. Pinagdaanan ko ang matinding curiosity na ‘yan. Kung ano ang pakiramdam. Pumili lang ako ng mas tama at mas makakapagpasaya sakin. Dahil sa naramdaman ko, nakilala ko ng mas mabuti ang sarili ko. Maniwala ka sakin, you’re just a late bloomer at hindi mo pinansin ‘yan noong mas bata ka pa. Kumbaga, late reaction. Lilipas din ‘yan.

Bago nilisan ni Andrea ang apartment ay hinalikan ka nya sa pisngi. Hindi mo matandaan kung ilang minuto o oras kang nakatulala. Blanko ang isipan. At dumating ang dilim, nasa beranda ka pa rin. Hindi pa rin ubos ang kape. Tsaka lang tumimo sa isipan mo ang pinagsasasabi ni Andrea. Tama sya. Nagandahan ka lang sa pagkatao ni Andrea tulad ng paghanga mo sa kaanyuan at katauhan ni Ralph. Si Ralph ang pinakamatinong lalaking nakilala mo at si Andrea ang sa babae. Pero ang pinakatumimo sa isipan mo ay ang “curiosity”. Tama si Andrea, gusto mo lang din malaman kung ano ang pakiramdam kung kapwa mo babae ang hahalik sa’yo at magmamahal. Ang “curiosity” mo ang may kasalanan kung bakit ka nakaisip at nakagawa ng mga ganyang bagay.

Naisip mo tuloy ang luto ng nanay mo, yung dinuguan ba. Masarap magluto ang nanany mo nun. Hindi mo naisipang ihambing ang nararamdaman mo kay Andrea sa luto ng iyong nanay. Minsang may napuntahan kang isang salu-salo, may dinuguan ding handa. Maganda sa paningin mo at mukhang masarap. Kaya ikaw naman, tinikman mo. Kaso ilang subo lang ay umayaw ka na. Hindi mo inubos kasi hindi mo nagustuhan ang lasa. Simula nun, hindi ka na kumain ng dinuguan na luto ng iba. Ang luto pa rin ng nanay mo ang gusto mo at patuloy mong hahanapin.

Ilang linggo ang lumipas at hindi na rin bumabalik ang dati mong nararamdaman. Mas naging masaya ka at ang mga gabi ay naging mabuti na rin. Naiitindihan mo na ngayon ang lahat. Kayo ni Andrea ay patuloy na naging magkaibigan at laking pasalamat mo sa ITAAS at wala na ang matinding “curiosity” sa katawan mo. Parang ulan lang na dumaan sa gitna ng tag-araw.

Ngayon, masaya kang hinihintay si Ralph. Sa loob ng dalawang araw ay darating na muli ang mas masayang gabi at mas klaradong pag-iisip mo.

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on March 19, 2014 in Made Up Stories

 

Tags: , , , , , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: