RSS

Category Archives: Made Up Stories

Love Letter ni Kimmy sa Boypren

Hi Boypren,

Teka, bago ko umpisahan ang aking love letter (naks, love letter!) eh gusto kong sabihin na first time ‘ko na gumawa nito. Hindi ko alam kung tama ba or kailangan bang may formula or structure pag sumusulat ng love letter. Pero ang importante ‘yong nilalaman. Agree ka? Oo ka na lang ha.

Sige, heto na.

Mahal kita.

Alam mo, sa unang pagkakataon, nasabi ko rin ‘yan. Kahit ako medyo nagulat eh, dahil kahit sa magulang o kaibigan ko hindi ko pa nasabi ‘yan. Hindi ako sanay. Nahihirapan ako, ‘yon ang totoo. Siguro dahil dinadaan ko lang sa gawaing bahay, sa pagta-trabaho, sa mga simpleng regalo kapag na-trip-an kong magbigay.

At simula noong unang beses na sinabi ko ‘yan sa ‘yo, kahit paano ay nasasabi ko na ‘yan sa mga talagang minamahal kong kaibigan at sa magulang ko syempre. Naisip ko tuloy, kailangan ibang tao pa ang magbigay ng lakas ng loob sa’kin para lang masabi ‘yan.

Mahal kita.

Ewan. Hindi ako sigurado kung ano ang dahilan bakit mahal kita. Kailangan bang may dahilan? Specific reason tulad sa Math problems? Siguro’y makulit ka at napapatawa ako sa mga hirit mo? Marahil lagi kang ngumingiti kapag magkausap tayo? Baka naman dahil ang daldal mo, panay ang kuha ko ng mga trivia sa’yo? O dahil siguro ikaw ang pinaka-open minded at flexible na taong nakilala ko? Ah ewan, hindi ako sigurado. Kung alin man dyan ang dahilan ay iisa pa rin ang bagsak nyan, mahal kita.

At sa parehong paraan na hindi ko alam kung kailan ko naramdamam na mahal kita. Sige, sabihin na natin na may saktong petsa kung kailan ko sinabi ‘yong Mahal Kita, pero bago pa ‘yon ay sigurado na ‘ko na naramdaman ko na ‘yan, hindi lang talaga ako sigurado kailan nagsimula. Kailangan ko pa bang alamin? Hindi naman na siguro, iisa pa rin ang bagsak nyan, mahal kita.

Mahal kita.

Simula nang makilala kita, ang dami ko nang natutunan sa’yo. May mga nagbago sa’kin. Isa na siguro ang ‘yong perspective ko sa mga iilang bagay. Hindi mo man nakikita o napapansin, nadadala ko ‘yong way of thinking mo sa mga nangyayari sa’kin at sa mga taong nakakakasama ko. May hinala ako eh, lumalakas ata ang impluwensya mo sa’kin. Masama ba ‘yon? Marahil ay hindi, basta ba mabuting bagay ang nagiging bunga.

Mahal kita.

Gustong gusto ko kung paano natin hinahayaan na maging malaya ang isa’t isa. Alam mo ‘yon, hindi tayo nagmamando sa kung ano ang dapat gawin ng bawat isa. In short, hindi tayo selfish. We let each other grow as an individual. may sariling espasyo at oras para sa ibang bagay at tao. Ganito naman dapat, diba?

Mahal kita.

Alam mo bang nawawala ang mga ilang inhibitions ko sa buhay? Ayan, sinabi ko na. Alam mo na rin siguro kung ano ‘yan.

Mahal kita.

Madalas, hindi ko namamalayan na humihiling na ‘ko na sana magtagal ang lahat nang ito. Na sana hindi tumigil ang pagtibok ng puso mo para sa akin. Na sana hindi tayo magsawa. Na sana kaya ‘kong kontrolin ang damdamin ko ‘pag nasosobrahan na at maaaring makasakal sa’yo, sa atin. Corny man basahin ‘to pero totoong ‘yan ang mga iilang bagay na dagdag sa wish list ko. Nakatengga na ‘yong wish list ko, ngayon ko na lang naungkat sa baul. Ikaw kasi.

Masaya ako, sobrang saya na minsan hindi ko maipaliwanag. Kulang ang salita para ilarawan ‘yong saya ng pagmamahal na mayroon ako para sa’yo.

Mahal kita.

Hindi ko na alam ang susunod na sasabihin ko. Hindi rin ako sigurado kung nasabi ko na ba lahat nang gusto kong sabihin o kung may kulang pa. Basta mahal kita.

Hindi mo kailangang sagutin ang love letter ‘ko, ok na ‘ko ‘pag nalaman kong natanggap at nabasa mo ‘to.

Kimmy

 
9 Comments

Posted by on July 7, 2015 in Made Up Stories

 

Tags: , ,

Kung Minsan

Kung minsan, gusto mong hilingin na magtagal ang isang bagay
Bilang sa kamay ang minsanang pagpapatangay
Sana’y matupad. Sana’y matugunan. Sana’y maghatid ng ligaya.
At sana, hindi puro SANA ang susunod na litanya.

 
2 Comments

Posted by on June 19, 2015 in Made Up Stories, Rants and Raves

 

Tags: ,

Mula kay Andrea

April 2010 ko pa naisulat ito. Isang note sa Facebook ang original place ng short story na ‘to. Hindi rin ito ang unang idea pero hindi ko alam kung paano naging ganito ang resulta. Naalala ko lang na ang basehan ng short story na ‘to eh ‘yong isang babae na kasama ko sa teatro nung high school. Mas matanda sya ng dalawang taon. Naalala ko gandang ganda ‘ko sa kanya. Ewan ko bakit naalala ko sya bigla. Napasulat tuloy ako nun. Iniwan ko muna saglit ‘yong ibang sinusulat ko that time para lang tapusin ‘to agad. Baka kasi mawala pa sa isip ko. Sayang ang idea. 

Buga ng usok sa bandang kanan. Hinga ng malalim. Hihitit ulit at bubuga ng usok sa harap mo. Masyado kang tensyonado. Gabing gabi na at dapat natutulog ka na pero heto ka sa beranda mo kasama ang yosi (mga sampung sticks pa siguro yung nasa kaha). Gising na gising ang diwa. Ang daming larawan na sabay-sabay na nagpapakita sa’yo. Alam ko, naguguluhan ka na.

Hitit pa ulit. Sabi mo isa na lang pero sige pa rin ang bibig mo sa pagbuga ng usok na parang mabagal na naka-istambay sa hangin.

Ayan kasi, ginising ka na naman ng malikot mong imahinasyon. Ang imahinasyon mo kasi kung saan-saan nakakarating. Sya na naman ang dumalaw sa panaginip mo. Ilang gabi nang ganyan. Nababagabag na ang loob mo. Hindi mo naman masabi ‘yan sa iba kasi pangit ang magiging reaksyon nila.

Si Andrea na naman ang naglalaro sa isipan mong buhay na buhay sa madaling araw. Si Andrea na batchmate mo sa college at nakilala mo sa isang school affair. Nag-click kayo dahil pareho nyong sinasamba ang sining: lalo na ang musika. Si Andrea na halos walang kapintasan ang ugali. Si Andrea na modelo ang dating dahil sa kanyang tangkad at sa makinis na morenang balat nya. Aba’y ‘di ka naman patatalo pagdating sa kakinisan. Mukha ka ngang Instik sabi ng nakararami. Pareho kayong maganda. Morena sya at mestisa ka. Habulin kayo ng mga lalaki. Kahit pa na pang-cowboy ang dating mo, marami pa ring umaaligid sa’yong kalalakihan. Si Andrea na naging kaibigan na rin ng barkada mo. Si Andrea na mahilig magbasa. Si Andrea na matalas ang memorya pagdating sa mga larawan.

Si Andrea ang nasa isip mo sa mga nakalipas na buwan. Sa buong linggo. Buong araw. Buong gabi. Lahat ng bagay na makita mo ay si Andrea pa rin ang tumatakbo sa isipan mo.

Naiinitan ka kaya pumunta ka sa kusina para uminom at pawiin ang uhaw mong lalamunan. Tatlong baso. Siguro kulang talaga ang tubig sa katawan mo kaya ganun na lang ang dami ng nainom mo. Sa beranda ka ulit at nagsindi pa ng isang yosi. Naiinip ka at pakiramdam mababaliw ka kapag ‘di ka pa gumawa ng paraan. Kaya naman tinawagan mo ang pinakamamahal mong lalaki na si Ralph at pinilit na puntahan ka sa apartment mo.

Hi Ralph.

Parang walang emosyon ang pagkakasabi mo pero pilit mong nilalagyan.

Uhm, gusto ko lang kasi. Alam mo na. Matagal na rin

Malamyos ang pagkakasabi mo. Nang-aakit. Nagpasalamat ka at gusto rin ni Ralph. Hindi ka nabigo. Nagsimula ang lambingan ninyo at tuwang tuwa ka na masaya ang nararamdaman mo. Hanggang sa palapit kayo ng palapit sa pinakamaligayang yugto. Napagod ka. Napagod sya. Pinikit mo ang mga mata mo at ibinulong sa sarili na kaya mo pala, na masaya ka kay Ralph. Napatunayan mo ‘yan ngayong mga sandali ng kaguluhan sa utak mo.

Dumating ang panahon na kailangan umalis sandali ni Ralph dahil sa kanyang negosyo. Nalungkot ka malamang pero ang mas nangingibabaw ay takot na baka dumating na naman ang mga gabi na laging hatid ay gulo sa kaisipan mo.

Pero hindi ka rin naman nakatakas sa mga gabi. Dumarating at natatapos ito na laging magulo. Alam kong di ka naman patatalo sa naiisip at nararamdaman mo.

Hindi rin maiwasang magkita kayo palagi ni Andrea dahil sa iisang kompanya lang kayo nagtatrabaho. Mabuting magkaibigan kayo. Sa lahat ng bagay ay magkasundo. Hindi mo maiwasang humanga ka sa ganda ng ugali nya. Ngayong wala si Ralph, palagi s’yang nasa apartment mo. Sinasamahan ka. Minsan pa’y doon sya natutulog. Nae-enjoy mo ang buong Sabado’t Linggo kahit pa hinahanap mo si Ralph.

Nasa beranda kayo nung Linggo ng hapon. Pahinga lang, kape at yosi. Si Andrea na nakatayo habang hawak ang tasa ng kape at ikaw nakaupo. Ang isip mo’y lumilipad sa kung saan. Hindi sakto ang mga salita at pangungusap na namumuo sa utak mo. Di mo namamalayan na nakatitig ka na sa kanya. Titig ng paghanga. Isang salita lang nangingibabaw sa isipan mo. Bakit?

Hindi mo pa rin inaalis ang titig mo sa nakatikod na si Andrea. Hindi mo na nga rin namalayan na tinitignan ka rin nya at natatawa sa ikinikilos mo. Napukaw lang ang malabong kaisipan mo ng magtanong sya.

Bakit?

Wala. Pwede bang sabihin kong nagagandahan ako sa’yo?

Isang ngiti lang ang isinagot ni Andrea sa’yo. At sumunod na lang ay unti-unting lumalapit ang labi nya sa labi mo. Wala kang masabi. Tahimik na naghihintay. At iyon na. Una mong naisip na malambot ang kanyang mga labi pero “mas malambot at matamis ang kay Ralph.” Ibinalik mo ng masuyo ang halik ni Andrea sa’yo. At sa mga oras na iyon, si Ralph ang nasa gunita mo. S’ya at s’ya lang naiisip mo. Hindi si Andrea. Lahat ng bagay tungkol kay Ralph ang tumatakbo sa isip mo habang nakalapat ang labi mo kay Andrea. Bigla kang tumigil at naibulong mo ang pangalan ni Ralph. Bumitiw si Andrea. Mahinang tawa lang ang reaksyon nya. At sabay sabing,

Late bloomer ka lang sa ganyang pakiramdam. Dapat matagal mo ng naramdaman yan. At ako, matagal ko ng napatunayan kung ano ako at alam mo kung ano ‘yon? Isa akong babae. Katulad mo, pinagdaanan ko rin yang senaryo na ‘yan. Pinagdaanan ko ang matinding curiosity na ‘yan. Kung ano ang pakiramdam. Pumili lang ako ng mas tama at mas makakapagpasaya sakin. Dahil sa naramdaman ko, nakilala ko ng mas mabuti ang sarili ko. Maniwala ka sakin, you’re just a late bloomer at hindi mo pinansin ‘yan noong mas bata ka pa. Kumbaga, late reaction. Lilipas din ‘yan.

Bago nilisan ni Andrea ang apartment ay hinalikan ka nya sa pisngi. Hindi mo matandaan kung ilang minuto o oras kang nakatulala. Blanko ang isipan. At dumating ang dilim, nasa beranda ka pa rin. Hindi pa rin ubos ang kape. Tsaka lang tumimo sa isipan mo ang pinagsasasabi ni Andrea. Tama sya. Nagandahan ka lang sa pagkatao ni Andrea tulad ng paghanga mo sa kaanyuan at katauhan ni Ralph. Si Ralph ang pinakamatinong lalaking nakilala mo at si Andrea ang sa babae. Pero ang pinakatumimo sa isipan mo ay ang “curiosity”. Tama si Andrea, gusto mo lang din malaman kung ano ang pakiramdam kung kapwa mo babae ang hahalik sa’yo at magmamahal. Ang “curiosity” mo ang may kasalanan kung bakit ka nakaisip at nakagawa ng mga ganyang bagay.

Naisip mo tuloy ang luto ng nanay mo, yung dinuguan ba. Masarap magluto ang nanany mo nun. Hindi mo naisipang ihambing ang nararamdaman mo kay Andrea sa luto ng iyong nanay. Minsang may napuntahan kang isang salu-salo, may dinuguan ding handa. Maganda sa paningin mo at mukhang masarap. Kaya ikaw naman, tinikman mo. Kaso ilang subo lang ay umayaw ka na. Hindi mo inubos kasi hindi mo nagustuhan ang lasa. Simula nun, hindi ka na kumain ng dinuguan na luto ng iba. Ang luto pa rin ng nanay mo ang gusto mo at patuloy mong hahanapin.

Ilang linggo ang lumipas at hindi na rin bumabalik ang dati mong nararamdaman. Mas naging masaya ka at ang mga gabi ay naging mabuti na rin. Naiitindihan mo na ngayon ang lahat. Kayo ni Andrea ay patuloy na naging magkaibigan at laking pasalamat mo sa ITAAS at wala na ang matinding “curiosity” sa katawan mo. Parang ulan lang na dumaan sa gitna ng tag-araw.

Ngayon, masaya kang hinihintay si Ralph. Sa loob ng dalawang araw ay darating na muli ang mas masayang gabi at mas klaradong pag-iisip mo.

 
Leave a comment

Posted by on March 19, 2014 in Made Up Stories

 

Tags: , , , , , ,

Random Short Story #2

The story originated way back in high school. Simpleng story na nabuo habang nasa jeep ako. Hindi ko na lang din naisulat. Kung naaalala ko pa, nabuo ang story na ‘to dahil sa isang senior ko sa theater org. I’m not sure exactly why. But anyway, I tried to recall kung ano ‘yong mga details. Pero one thing is for sure, involve ang kalye ng Pedro Gil. Raw na raw. Cliche na cliche.

Nag-pula na ulit ‘yong stop light. Tumingin ka ulit sa relo mo. Bente minutos na at wala pa rin. Hindi pa rin dumarating ang pagka-inip. Hintay pa. Inom ng tubig. Lingon sa kanan, lingon sa kaliwa at tingin ng diretso. Maraming estudyante na ang nagsisiuwian. Panay mga high school students. Ang kalye ng Pedro Gil din ang binabaybay mo noong high school ka. Alas-kuwatro ang uwian mo. Rush hour ng mga estudyante. Isa ang Pedro Gil sa mga abalang kalye na napuntahan mo.

Ito rin ang kalye kung saan mo naging close ang mga kaibigan mo sa parehong eskwelahan. Pareho ng jeep na sinasakyan. Ito rin ang kalye kung saan ka unang nagka-crush sa best friend ng kaibigan mo. Mas naging masaya ang pag-uwi mo galing eskwelahan tuwing Lunes hanggang Biyernes. Mas naging maingat sa mga salitang binibitawan. Inaalala mo kasi na baka may mali kang masabi at lumayo ang lalaking nakakuha ng interes mo. Ika nga nila, baka ma-turn off. Palagi kang tahimik sa buong byahe. Sapat na nga sigurong kasama mo sya sa iisang jeep sa loob ng tatlumpo hanggang apantnapung minuto. ‘Yon na ata ang isa sa mga masasayang parte ng araw mo.

Wala kang sinabihan tungkol sa nararamdaman mo. Nahihiya ka. Pakiramdam mo kasi baka ma-reject ka. Kaya kahit pag-amin sa mga kaibigan mo ay hindi mo nagawa. Pero dahil lagi mo syang kasabay, hindi rin naman maiwasan na hindi kayo mag-usap. S’ya na ang unang kumakausap sa’yo. Kahit ano. Minsan tungkol sa libro. Minsan tungkol sa bagong palabas sa sine. O kaya tungkol sa subjects sa school. At napunta na rin sa mga personal na bagay tulad ng ilan kayong magkakapatid, anong mga ginawa mo noong nakaraang Sabado at Linggo. Pakiramdam mo, tinatanggal nya ang kaba mo kapag kasama mo sya. Hindi naman sya mahirap makapalagayan ng loob. Pareho din kasi kayo ng mga gusto. Ilang buwan din ang nakalipas at naging malapit kayo sa isa’t isa. Ingat na ingat ka pa rin sa mga salitang binibitiwan pero ang dahilan ay baka masabi mo ang hindi dapat sabihin.

Hanggang natapos ang high school ay hindi mo rin nasabi sa kanya. Mas malaki pa rin ang takot mo kesa sa katawan mo. Magkaibang eskwelahan ang tinuluyan n’yo sa college. Pero hindi rin naman sya nakalimot sa’yo. Pasalamat ka at nauso na ang social networking sites, kahit paano ay mas madalas ang komunikasyon nyo. At dahil dito ay hindi mo naiwasan na mas lalo syang gustuhin. Hindi mo naman pinigilan ang nararamdaman mo. Pero hindi ka aamin sa kanya. Katwiran mo ay babae ka at hindi ‘yon ang normal na gawain ng isang babae.

At noong nakaraang linggo nga ay inaya ka nyang dumalo sa birthday ng best friend nya. Isa pa ring imbitasyon ang natanggap mo mula sa kanyang best friend. Hindi ka sana dadalo pero dahil dalawa na silang nag-imbita ay nahiya ka na rin. Nagsabi sya na sabay na kayo na pumunta tutal ay malapit naman ang eskwelahan nya sa Pedro Gil at ikaw ay doon din naman bababa. Walang kaso sa’yo. Masaya nga ‘yon.
Nakailang palit na ng pula at berde ang traffic light. Ilang tren na ng LRT pa-south bound at north bound ang dumaan. Wala pa rin ‘yong lalaking hinihintay mo. Aba at apatnapung minuto na pala ang nakalipas. Naiinip ka na kaya panay ang lingon mo sa lahat ng direksyon. At sa huling lingon mo sa iyong kaliwa mo ay nakita mo na papalapit s’ya. Otomatiko ang ngiti n’yong dalawa.

Sorry, late ako. May tinapos lang akong photocopy ng readings.

Okay lang. Sagot mo.

Lagot na naman ako sa girlfriend ko.
Bigla ang pagtitig mo sa kanya.

Oo nga pala, Jen. Girlfriend ko na ang bestfriend ko. Kaninang umaga lang ako sinagot. Sakto sa birthday nya.

Sabay ang matamis na ngiti nya.

Biglang huminto ‘yong ikot ng orasan mo. Para kang na-estatwa.

Halika na. Baka magalit na ‘yon Tsaka excited kang makita ni Lanie.

Nakangiti pa rin sya.

 
Leave a comment

Posted by on February 11, 2013 in Made Up Stories

 

Tags: , , , , ,

Random Short Story #1

Naalala ko noong una tayong nagkakilala. Habang nagbabasa ako ng libro sa loob ng isang sikat na tindahan ng kape ay nagkomento ka kung gaano kaganda ang librong hawak ko. Sinabi mo na magaling sumulat ang may-akda at nginitian kita tanda ng pagsang-ayon sa’yo. At lumipat ka sa silya sa harapan ko para ituloy kung ano pa ang mga natitirang papuri sa libro at sa may-akda. Tuluyan na kitang kinausap dahil naging interesante ang dating mo sa ‘kin. Bihira sa mga lalaki ang nagbabasa kaya mas lalong nakakaintriga ang personalidad mo. Ito ang unang pagkakataon na kumausap ako ng isang estranghero na lagpas sa limang minuto. Nakuha mo agad ang interes ko.

Um-order pa ‘ko ng kape at gayun din ang ginawa mo. Mukhang mahabang usapan ang mangyayari sabi ko sa sarili ko. Naging malawak ang saklaw ng usapan natin. Alam ko naman na hindi lang ito basta ordinaryong usapan upang makilala natin ang isa’t isa. Narito tayo sa isang modernong panahon kaya hindi imposible ang iniisip ko na hindi lang usapan ang gusto mo. Napunta tayo sa isang maselang usapan. Usapan sa pagitan ng dalawang tao na gustong makaramdam ng init sa balat. At nagkasundo tayo. Sabi ko nga, nakuha mo ang interes ko.

Ikaw ‘yong tipo na pwedeng magpasunod ng tao. Pero kaya mo ‘kong patawanin sa simpleng bagay lang. Tawa na nagiging halakhak, kung sabagay, mababaw lang naman ako. Diretso ang pananalita mo, walang ligoy. Mas madaldal ka sa’kin. Marami kang kwento na kinaaaliwan ko. Ang sarap pakinggan ng bawat kwento mo pero hindi ka nagbabanggit ng nakaraan mo. Sabi mo nga, nakaraan na ‘yon pero paminsan ay pinagbibigyan mo aking mga tanong tungkol doon. Intelehente ka sa lahat ng bagay kaya hindi ako nagtataka kung paano mo napukaw ang aking interes.

Madali akong naging komportable sa’yo at ganoon ka rin sa’kin. Sabi nga, click agad. Wala rin naman akong inaasahan na iba pa kung hindi ang naging kasunduan natin. Nagsimula tayong gawin ang dapat gawin sa isang pribadong lugar at pagakatapos noon, palagian na iyong mga tawag, mga mensahe sa text at chat. Para bang hindi na pwedeng hindi tayo mag-usap.

Hindi ko inasahan nung sinabi mo na gusto mo ‘ko. Siguro sa parehong paraan din na alam kong gusto kita. At nagpatuloy pa tayong muli sa kasunduan. Naalala ko noong sinabi ko na masarap kang halikan. Hindi nakakasawa bagkus ay aking binabalikan. Katulad ng masamang bisyo, nakaka-adik ika nga. Pero iniisip ko na wala lang ito.

Ngunit habang tumatagal ay naghahangad din ako na makita ka ng mas madalas. Pero hindi maaari dahil pareho tayong abala sa mga kanya kanyang trabaho. Nirerespeto ko ang oras mo at iniintindi ang bawat salitang binibitiwan mo. Natuto akong maghintay ng mas mahaba kaysa sa aking nakasanayan. Lalong humaba ang pisi ng pasensya ko.

Binabalikan ko na lang ‘yong araw na huli tayong nagkita. Naalala ko ang mga kwento mo. Naalala ko ‘yong lugar na dinaanan natin. Naalala ko ‘yong pagpili ng pagkain natin. Naalala ko kung gaano kasarap ang bawat pagdampi ng labi mo sa katawan at labi ko. Naalala ko kung gaano kita kagusto.

Hindi nagtagal ay dumalang ang pagkikita, dumalang ang mga tawag. Naging mabagal ang bawat oras. Katulad ito ng madalang na pagpatak ng ulan sa buwan ng Marso at Abril kung saan ang haring araw ay namamayagpag. Naiintindihan ko. Isa pa, hindi ako dapat mag-reklamo kasi nga ay wala tayong relasyon pero ayos pa rin ako. Hindi ko masyadong iniinda ang emosyon na namumuo sa kaloob-looban ko. Amindo naman ako na mas madalas na kitang iniisip at ipinapaalam ko pa iyon sa’yo. Sa tuwing magkausap tayo ay hindi ko pinagkakaila kung gaano kita gustong makita muli. Pero sa huli, nangingibabaw pa rin ang wala lang ito. Kailangan kasi. Huwag kang magtampo, lahat ng sinabi mo ay naiintindihan ko.

Ang dami ko ng kwento na gustong sabihin sa’yo. Mga kwentong nakakatawa noong mga nakaraang linggo at buwan. Nalimutan ko na rin banggitin na may isang kanta ako na gusto kong marinig mo kasi pakiramdam ko ‘yon ang gusto kong maging kanta para sa’yo. Ang drama ko na, may mga pagkakataon na rin na pinapansin ko na ‘yong nararamdaman ko sa’yo. Pilit na pilit na minsan ang pag-iwas ko na ‘wag kang isipin. Nakakabaliw pero buti hindi pa rin ako iniiwan ng katinuan ko. Naaawa sya marahil sa ‘kin Naalala ko kasi ‘yong sinabi mo na ‘wag magtiwala kahit kanino man at kahit sa ‘yo mismo. Marami na rin akong kwentong nabuo sa isipan ko na kasama ka. Pinagnasaan pa kitang iharap sa altar kung sakali man.

May isang bagay lang akong hindi inasahan mula sa’yo. Hindi mo sinabi na may katuwang ka na sa buhay. May nauna na palang nagbibigay ng pangangailangan mo. Sa ibang tao ko pa nalaman. At bigla kong naisip, ang liit ng mundo. Hindi ko alam kung bakit nangyari ‘yon. Wala akong ideya bakit ‘di mo sinabi. Oo nga naman, kung sinabi mo ‘yon noong una ay malamang hindi ako pumayag sa kasunduan. Isa pa, hindi ko alam ang tunay na intensyon mo. Hindi ko alam kung may balak ka pang kausapin ako at ipaliwanag ang lahat.

Una kong naramdaman? Ang tanga ko pala.

Pangalawa? Naiwan ako sa ere.

Pangatlo? Naloko ako.

Pang-Apat? Wala akong importansya bilang tao at bilang babae.

Paglima? Magiging manhid (ata) ako.

Sa kabila ng lahat, hindi ako galit sa’yo. Hindi ko alam kung bakit. Aaminin ko, may mababago sa’kin pero hindi ko alam ang eksaktong mga bagay na magbabago at hindi ko alam kung kailan mangyayari ‘yon. Marahil ay sa mga susunod na araw. Hindi pa ‘ko sigurado. Uulitin ko, hindi ako galit sa’yo at hindi ata mangyayari ‘yon.

Naisip ko na sana ay isa ka lang mansta sa damit. Maaari kang ibabad muna sa powder at clorox. Pagkatapos ay kukusutin, babanlawan. Pwede rin na ibabad sa fabric conditioner para maging mabango at maglaho ang di kanais-nais na amoy. At sa huli, patutuyuin sa init ng araw na parang walang naging bakas ng mantsa ang damit.

 
Leave a comment

Posted by on January 17, 2013 in Made Up Stories, Uncategorized

 

Tags: , , , , ,